Wednesday, June 29, 2016

Simpleng Pamumuhay - My Simple Life!

Sa gitna ng palayan ako lumaki at nagkaisip. na sa di kalayuan ay may munting ilog na aming paliguan at labahan sa araw-araw. Minsan ay napagkukunan din namin ng isdang pang-ulam. Mga sariwang gulay na mapipitas mo sa iyong daraanan. Ang aming tahanan na isang munting kubo ay napapaligiran ng mga punong mangga  na may nakaka-hilong samyo pag namulaklak (dahil sa subrang bango) at may ilang orkedyas na nakabitin sa bintana.  Huni ng ibon ang maririnig mo maghapon. Gasera ang pang-ilaw namin sa gabi. Sa labas ay kaaya-ayang masdan ang sanlibong alitaptap na animoý naglalaro sa hangin upang pagliwanagin ang paligid. Madalas ay maagang nakakatulog ang lahat sa saliw ng awit ng mga kuliglig. Bago sumikat ang araw ay maririnig mo na ang wis-wis ng walis ni Nanay. Ang splash ng tubig sa balon sa pag-igib ni Tatay upang punuin ang banga sa kusina. Ang kwentuhan ng mga alagang manok..at panggigising ni Tandang sa mga natutulog pa. Dala ang sundang ay nagtungo naman ako sa tabing ilog para manguha ng bakawan at mga tuyong sanga na maaring panggatong. Iba't-ibang kulay na tutubing kalabaw ang naghahabulan sa paligid, may dilaw, ginto, berde, asul ang mamamasdan habang daan.  Pabalik ay makikita ko ang puting usok mula sa sinigaan ni Nanay para sa pamumulaklak ni mangga. At ngayoý oras na ng almusal ko, ang "SINGTULOG( fried rice, tuyo, at itlog). Kape na native mula sa tinutong na bigas, ang panulak. At ako ay naligo at nagbihis, at gumayak na upang pumunta ng paaralan. Nakita ko naman sa aking paglalakad ang bahay na aking kina-iinggitan. Ang bahay ng aking kaklase 't kaibigan na gawa sa hollow blocks, na  kumikinang na yero ang bubong, na simentado pa ang lapag. Hindi iyon maalis sa aking isipan, na darating din ang araw na magkakabahay  ako na katulad na katulad ng sa kanila. Matibay at di kayang gibain ng anumang bagyo. Hindi  katulad ng sa amin na kailangan mo pang laging itali ang apat na sulok nito sa malalaking puno, ng di liparin ng malakas na hangin. Na lagi ring nagpuputik ang paligid sa tuwing uulan. Ikinahihiya ko ang bahay naming dampa. Ayaw ko ang bahay naming ito. Gusto ko iyong gawa sa semento at yero..

 Pagdating ko sa eskwelahan, ay nakita t nilapitan ko si klasmayt. Matagal pa naman ang bell..kaya, nag-usap  na lang kami at nasabi  ko na hangang-hanga ako sa bahay nila, na gusto kong magkaroon rin ng tulad ng sa kanila. Natawa  si klasmayt, parehas lang daw kami ng naiisip, may kaibahan nga lang dahil inamin niya na  mas nais pa nga raw nya ang matira sa bahay ng tulad ng sa aming dampa. Nakita niya ang panlalaki ng  mata ko at ang bahid ng  pagtataka sa aking mukha. Kaya, inisa-isa nya ipaliwanag sa akin ang di nya gusto sa bahay nila  - magigising ka na lang bigla sa malakas na ingay ng taktak ng ulan na mula  sa bubong nilang yero, gaano pa kaya sa tuwing may bagyo? Napakainit din ang loob ng bahay sa buong araw at gabi, nagiging malamig na lang ito tuwing madaling araw. Kailangan mong magpaandar ang maraming electric fan, para maging malamig dito, lalo pa pag summer. Ito pa  rin ang dahil kung bakit tinatamad akong bumangon sa umaga, kasi madaling araw na akong nakakatulog. Malakas kami sa paggamit ng kuryente.at palaging  malaki  ang binabayaran ng Daddy ko. Sinemento ang paligid na bakuran kaya.puro halamang namumulaklak na nasa paso ang nilagay lang sa  harap ng  bahay. Wala kaming naitatanim na sariwang gulay ng tulad sa inyo. May shower nga kami, pero sa palagay koý mas enjoy maligo na swimming pool ninyo sa.ilog. "Hahaha!,"..nagtawanan na lang kami..At pahabol nya pa na  balak nilang bumisita sa aming kubo  at mag pipiknik na rin sa tabing ilog. Pagkatapos niyon  ay narinig na ang kalembang at patakbo kaming sumali sa pila dahil mag-sisimula na ang Flag Ceremony. .

Masaya akong naglalakad pauwi, dahil sa may nabago na sa aking pananaw na bukas. Na sa aking paglaki, ay ipagagawa ko ang isang malaking bahay kubo. Kailangan ang may matibay na foundation at may sementadong poste, plywood at kawayan ang dingding, yerong bubong na papatungan ng anahaw at nipa sa ibabaw para hindi umingay. Ang balon ay ma-lalagyan ko na ng poso. Modernong gamit sa kusina at naroon pa rin ang banga na mapagkukunan namin ng malamig na tubig...Doon pa rin itatayo ang bahay sa gitna ng bukid na malapit sa ilog. Matagal pa ngunit ito ang aking paghahandaan..dahil alam ko na kung papaano ang tutoong simpleng pamumuhay na may dagdag na kaunting modernong buhay. .Ngayon ay handa na akong harapin ang aking kinabukasan sa tulong at aral ng isang matipid at simpleng pamumuhay, ito rin kaya ang dahilan kung bakit may mga bahay kubo sa harap ng bakuran ng mga mayayaman? Dahil dito ay madali nilang maalala ang isang simple, happy, at importanteng bahagi sa buhay nila, noong sila ay musmos pa??

No comments:

Post a Comment